top of page
Search

Brigada Eskwela 2025, Sinimulan sa Makati High School

ni Luvy John A. Flores

Bayanihan sa gitna ng ulan! Pinangunahan ng mga tauhan mula sa MMDA at ALERT ang paglilinis ng mga upuan sa Makati High School bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong taong panuruan 2025–2026.
Bayanihan sa gitna ng ulan! Pinangunahan ng mga tauhan mula sa MMDA at ALERT ang paglilinis ng mga upuan sa Makati High School bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong taong panuruan 2025–2026.

Makati City — Kasabay ng pagdiriwang ng pagkakaisa at bayanihan, pormal nang sinimulan ng Makati High School ang Brigada Eskwela para sa taong panuruan 2025–2026 noong Hunyo 9, 2025, sa ilalim ng temang "Sama-sama para sa Bayang Bumabasa."


Pinangunahan ni Gng. Shiella R. Fallarcuna, School Partnership Focal Person, ang unang araw ng Brigada na sinimulan sa pamamagitan ng paglilinis at paghahanda ng mga silid-aralan, faculty rooms, science laboratories, learning centers, at function rooms upang maging handa sa nalalapit na pagbubukas ng klase.


Isa sa mga tampok ng unang araw ay ang Stakeholders Convergence na nilahukan ng mga kinatawan mula sa mga catchment barangay ng paaralan: Poblacion, Olympia, Singkamas, Carmona, La Paz, at Guadalupe Viejo. Naroon din ang mga opisyal ng SPTA sa pangunguna ni Gng. Abigail F. Gabriel, na nagpahayag ng kanilang buong suporta sa mga layunin ng paaralan.

Kabilang sa mga tinalakay sa pagpupulong ang pagpapanatiling ligtas ng mga mag-aaral sa kanilang pagpasok at pag-uwi sa paaralan. Isa sa mga pinagtibay na hakbang ay ang programang “Hatid-Sundong Mag-aaral,” kung saan itinalaga ang mga school bus para sa mga piling mag-aaral upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa araw-araw na biyahe.


Pormal namang binuksan ang School Kick-Off Program ng Brigada Eskwela noong Hunyo 10, 2025. Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Gng. Corazon N. Caculitan, Punong Guro ng paaralan, sa lahat ng guro, mag-aaral, magulang, at opisyal ng barangay na nakiisa at nangakong susuporta sa mga programa ng paaralan.


Aniya, “Hindi kailanman magkukulang ang paaralan kung tayo ay sama-samang kikilos at maglilingkod. Ang Brigada Eskwela ay hindi lamang paghahanda sa pisikal na aspekto ng paaralan, kundi ito ay patunay na sa bawat guro, magulang, barangay at mag-aaral—may puso tayong nagkakaisa para sa edukasyon.”

Malaki rin ang naging ambag ng MMDA na boluntaryong tumulong sa paglilinis ng paligid ng paaralan, patunay ng malawakang suporta sa adhikain ng Brigada Eskwela.


Sa araw ring iyon ay pormal na pinagtibay ang bagong ugnayan ng Makati High School at Barangay Bel-Air sa pangunguna nina Kagawad Maria Carmen R. Guerzon ng Education, Arts and Culture Committee at Kagawad Kevin Andrew T. Dionisio ng Social Services, Management and Information Systems. Ang bagong alyansa ay inaasahang magdudulot ng karagdagang suporta para sa mga inisyatibong pang-edukasyon ng paaralan.


Sa muling pagtitipon ng iba't ibang sektor para sa iisang layunin, muling pinatotohanan ng Makati High School ang diwang "Sama-sama para sa Bayang Bumabasa"—isang paninindigang hindi matitinag para sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. (MHS)

 
 
 

Comments


MHSfooter.png
bottom of page